*Cauayan City, Isabela*- Kinumpirma ng Department of Agriculture Region 2 na may naitala ng kaso ng African Swine Fever sa Bayan ng Solana, Cagayan.
Ayon kay Regional Director Narciso Edillo ng DA-RO2, ito ay kinabibilangan ng limang barangay na mga backyard hograiser matapos magpositibo sa resulta ng pagsusuri sa blood sample ng mga ito.
Aniya, mahigpit din ang kanilang isinasagawang pagbabantay sa Probinsya ng Kalinga na nakapagtala ng kaso ng ASF at pinaniniwalaang nakahawa sa mga alagang baboy sa bayan ng Solana.
Kaugnay nito, isinailalim naman sa culling o pagpatay at pagbaon ang nasa 56 na baboy sa Solana para maiwasan na ang posibleng pagkalat ng naturang sakit.
Samantala, nananatili pa rin na may pinakamataas na kaso ng ASF sa Probinsya ng Isabela matapos magpositibo ang mga alagang baboy sa siyam (9) na bayan at isinailalim sa culling ang nasa 1,137 na baboy habang 21 barangay ang apektado dito.
Nagpaalal din ito sa publiko na sa mga slaugther house lang gawin ang pagkatay sa mga alagang baboy.
Tiniyak naman ni Edillo na makakatanggap din ng P5,000 pisong tulong pinansyal mula sa DA ang mga hograiser na maaapektuhan ng culling ng kanilang mga baboy.