Natanggal sa serbisyo ang 57 tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa loob lamang ng apat na buwan matapos magpositibo sa paggamit ng iligal na droga at dahil sa pagkakasangkot sa bentahan ng droga.
Sa ulat ni PNP Spokesperson Brig. Gen Ildebrandi Usana, ang 57 PNP personnel ay kinabibilangan ng 54 na Police Non-Commissioned Officer, dalawa ay Police Commissioned Officer at isa ay Non-Uniformed Personnel.
44 na Police Non-Commissioned Officer ang napatunayang gumagamit ng iligal na droga habang ang sampu ay sangkot sa bentahan ng droga.
Isang Police Commissioned Officer naman ang napatunayang gumagamit ng droga at isa ay sangkot sa drug transactions.
Isang Non-Uniformed Personnel naman ay napatunayang sangkot din sa bentahan ng droga.
Ang mga ito ay sinibak sa serbisyo mula noong Nobyembre 10, 2020 hanggang Marso 24, 2021.
Siniguro naman ng PNP na dumaan sa tamang proseso ang pag-iimbestiga sa mga natanggal nilang tauhan kaya walang matatanggap na benepisyo ang mga ito mula sa PNP.