Cauayan City, Isabela- Nasa maayos na kalagayan at walang sintomas ng COVID-19 ang 58 estudyante ng UP Los Baños na sinundo ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Ito ang sinabi ni Atty. Elizabeth Binag, tagapagsalita ng Provincial government ng Isabela sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Paliwanag ni Atty. Binag, nang makarating sa Echague District Hospital ang 46 UP students ay may isa sa kanila ang nakaramdam ng sore throat base na rin sa ibinahaging impormasyon ng Doktor sa naturang ospital subalit kalaunan ay naging maayos din ang sitwasyon ng estudyante.
Ayon aniya sa Assistant Provincial Health Officer Dr. Arlene Lazaro, dala lamang ng aircon ng bus ang pagkakaroon ng sore throat ng estudyante.
Inihayag din ni Atty. Binag na hindi dinala sa SIMC ang naturang estudyante na taliwas sa naunang pahayag na dinala sa naturang hospital.
Sa panayam din ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Rocky Marcelino, Director of Office Students Activities ng UPLB, ang 58 na nakauwi ng Isabela ay huling batch na ng mga estudyanteng nais umuwi na naabutan ng ECQ na dahilan ng kanilang pagka-stranded.
Iginiit nito na ang mga naturang estudyante na pinauwi noong May 2, 2020 ay sinuri ng mga Doktor ng University Health Service at sila’y malulusog at walang anumang sintomas ng COVID-19 bago ihatid sa Dau terminal at sinundo ng provincial government ng Isabela.
Kasalukuyang naka-quarantine sa isolation facility ng LGU Echague ang naturang estudyante kasama ang iba pa.
Naka-mandatory quarantine na rin ang walo (8) pang UPLB students sa Lungsod ng Ilagan na kasama sa 58 na nakauwi sa Lalawigan.
Ang pag-uwi ng mga nasabing estudyante ay bahagi na rin ng programang ‘Balik Probinsya’ ng pamahalaang Panlalawigan.