Cauayan City,Isabela- Tinatayang 59 na sub-projects ang nakatakdang maipatupad sa mga bayan ng Sta. Maria, Sto. Tomas, Isabela at Calayan, Cagayan ng Department of Social Welfare and Development Field Office II (DSWD FO2) sa pamamagitan ng Kapit-bisig laban sa Kahirapan Comprehensive Integrated Social Services National Community-driven Development Program Additional financing (KALAHI-CIDSS NCDDP AF).
Magbibigay ng kabuuang ₱29,032,199.90 ang ahensya para sa implementasyon ng natukoy na proyekto sa bayan ng Sta. Maria at Sto. Tomas.
Inaprubahan ng mga Municipal Local Government Units (MLGUs) ng parehong munisipalidad ang pagbibigay ng kanilang Local Counterpart Contribution (LCC) na nagkakahalaga ng 3,807,300.01 pesos at ₱3,459, 936.43.
Ayon kay DSWD FO2 Regional Director Cezario Joel Espejo, kailangan umano ang LCC mula sa mga lokal na pamahalaan upang i-promote ang resource sharing at bumuo ng sense of ownership and accountability kabilang ang mga volunteers sa komunidad na magsisilbing key players sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Ang mga daan, pagtatayo ng solar dryer, communal dug well, drainage canal at pagsasaayos ng mga day care center ay ilan sa mga tinukoy na sub-project ng mga community volunteers.
Samantala, sa Calayan, Cagayan, inaprubahan ng MLGU, sa pamamagitan ni Mayor Joseph M. Llopis, ang ₱2, 766, 450.71 LCC para sa pagpapatupad ng 12 natukoy na sub-project sa munisipyo. Ang KALAHI-CIDSS, sa bahagi nito, ay magbibigay ng ₱8, 351,000 para sa nasabing mga proyekto.
Ang KALAHI-CIDSS ay isa sa mga poverty alleviation program ng gobyerno na ipinatutupad ng DSWD. Gumagamit ito ng community-driven development approach, isang pandaigdigang kinikilalang diskarte para sa pagkamit ng paghahatid ng serbisyo, pagbabawas ng kahirapan, at mga resulta ng mabuting pamamahala.