5ID at Team ISUDA, Lumagda ng Kasunduan Kontra Insurhensiya at COVID-19

Cauayan City, Isabela- Nagsanib pwersa ang Isabela State University (ISU), Department of Agriculture (DA) Region 02 at ng 5th Infantry Division, Philippine Army (ISUDA 5ID) para sa paglagda sa kasunduang naglalayong maiparating sa mga lugar na apektado ng insurhensiya ang Agri-based Technology.

Ang Agri-based Technology Extension Project ay isang konsepto na maghahatid ng mas mahusay na pamamaraan upang mapalago ang agrikultura sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya.

Layunin din nito na maipaabot ang naturang proyekto sa mga liblib na lugar na apektado ng insurhensiya upang maipagkaloob sa mga residente ang libreng pangkabuhayan sa ilalim naman ng Community Support Program.


Kasama rin dito ang paglunsad ng Health Guard System laban sa Corona Virus Disease 2019 (CoVid19) para sa mas madaling contact tracing at Education and Skills Training.

Nilagdaan din ang kasunduan sa paglulunsad ng Health Guard System para sa paglaban kontra CoVid 19. Ito ay sistema upang mapadali ang contact tracing para mapigilan naman ang pagkalat ng naturang sakit.

Base sa kasunduan, ang ISU ang magbibigay ng software, data storage, at technical assistance sa pag o-operate sa naturang sistema habang ang 5ID naman ang magbibigay ng ilan pang mga kagamitan.

Sa ilalim naman ng Education and Skills Training na pangungunahan ng ISU, madagdagan pa ang kaalaman at kahusayan ng bawat miyembro ng 5ID sa pagganap ng kani-kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng mga pagsasanay at pagtuturo.

Sinabi ni Dr. Ricmar Aquino, Presidente ng Isabela State University, na kaisa ang kanilang unibersidad sa pagkontrol ng pagkalat ng CoVid 19 habang nakahanda naman sa pagbibigay ng suporta ang hanay ng kasundaluhan laban sa insurhensya.

Inihayag naman ni BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID, na ang naturang aktibidad ay ilan lamang sa mga nauna ng hakbang ng gobyerno upang magkaroon ng pag-unlad sa bawat komunidad.

Facebook Comments