5ID, Namahagi ng Sari-saring Gulay sa 56 Sumukong NPA sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Ipinamahagi ng 5th Infantry ‘Star’ Division, Philippine Army sa 56 na mga dating rebelde ang unang aning bunga ng kanilang mga pananim na gulay sa pangunguna ng Chief of Staff ng 5ID na si Colonel Ferdinand Melchor C Dela Cruz.

Ito ay sa pamamagitan ng kanilang proyektong “Bawat Kawal, may Binubungkal” na inilunsad noong ika-2 ng Hulyo 2020 kasabay din ng “Hardin ng Lunas” bilang bahagi ng programa ng 5th Infantry Division na pantugon sa umiiral na krisis dulot ng COVID-19 pandemic.

Napagkaisahan ito ng mga pinuno’t kawal ng 5ID na ang kanilang unang-ani sa nasabing proyektong gulayan ay ibibigay sa mga nagsipagbalik-loob na dating mga rebelde bilang pang-alalay sa kanilang pagkain ngayong panahon ng pandemya.


Ayon naman sa mensahe ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID, ang naturang proyekto ay hindi lang para sa mga sundalo kundi para na rin sa mga kapatid na nalinlang ng mga NPA.

Umaasa naman ito na ang bawat pagsuko ng mga rebelde ay matatapos na ang insurhensiya sa ating lugar upang makamtan na ang inaasam na kaayusan at kapayapaan.

Facebook Comments