Ni-redeploy ng Western Mindanao Command (Westmincom) sa Basilan mula sa Sulu ang 5th Scout Ranger Battalion (SRB) matapos ang 3 taong pagsisilbi ng mga tropa sa ilalim ng Joint Task Force (JTF) Sulu.
Ayon kay Westmincom Spokesperson Lt. Colonel Abdurasad Sirajan, ang paglipat ng 5th SRB sa kontrol ng Joint Task force Basilan ay para palitan ang 68th Infantry Battalion na inilipat naman sa Mindoro noong Enero.
Bago bumiyahe patungong Lamitan, Basilan, binigyan ng send-off ceremony ni JTF Sulu Commander Maj. Gen. Ignatius Patrimonio ang mga tropa sa 5th SRB headquarters sa Sitio Palan, Barangay Mampalam, Talipao, Sulu nitong Miyerkules.
Kasunod nito, pinasalamatan ni MGen. Patrimonio ang mga tropa sa kanilang malaking kontribusyon sa tagumpay ng misyon ng JTF Sulu.
Sinabi naman ni acting Westmincom Commander Marine Brig. Gen. Arturo Rojas, na inaasahan nya ang pinakamahusay na serbisyo militar mula sa Scout Rangers at tiwala syang malaki ang kanilang magiging kontribisyon sa sitwasyong panseguridad sa Basilan.