6 Colorum na Sasakyang Nagbibiyahe Patungong Metro Manila, Hinuli ng LTFRB region 2

Cauayan City, Isabela- Anim na colorum vehicles ang hinuli ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 02 matapos ang ikinasang 2-days surprise operation sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya.

Ito ay dahil sa iligal umanong operasyon ng mga colorum na bumibiyahe mula Metro Manila patungong Cagayan at vice versa.

Ayon sa pamunuan ng LTFRB, tumugon lang umano sila sa ilang reklamong natanggap sa iligal na pagbibiyahe ng mga colorum na sasakyan.


Nang inspeksyunin ng mga tauhan ng ahensya ang loob ng sasakyan ay napag-alamang puno ng pasahero at malinaw na lumabag ang mga ito sa umiiral na public health and safety protocol.

Kinokolektahan ng aabot sa P3, 000-3,500 na pamasahe ang kanilang mga pasahero.

Ang nasabing bilang ng sasakyang nahuli ay ilan lamang sa iba pang mga illegal na sasakyang nagbibiyahe na nanghihikayat ng mga pasahero sa pamamagitan ng social media.

Dahil sa insidente, titiyakin ng LTFRB region 2 na mapapanagot ang mga operators ng nahuling mga sasakyan matapos lumabag sa regulasyon ng ahensya.

Samantala, ligtas namang nakauwi sa kanilang mga lugar ang mga umuwing pasahero.

Matatandaan na mahigpit na ipinagbabawal ng ahensya ang pagbibiyahe ng colorum na sasakyan dahil hindi ito tulad ng mga rehistradong sasakyan na nagpoproseso ng kanilang prangkisa para makapaghanap buhay.

Hinimok naman ang publiko na huwag tangkilikin ang colorum na sasakyan at isangguni ang anumang reklamo sa iligal na aktibidad ng mga operator sa usapin ng transportasyon.

Facebook Comments