May anim hanggang siyam na bagyo pa ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bago matapos ang taong kasalukuyan.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Administrator Vicente Malano na ngayong Oktubre, nasa 2 hanggang 4 na bagyo pa ang kanilang inaasahan.
Nasa 2 hanggang 3 naman sa Nobyembre, at 2 bagyo naman ang tinataya ng PAGASA sa Disyembre.
Ayon kay Dr. Malano, mas pinalalakas na nila ang kanilang hazzard mapping, at information education campaign, para mas maging handa ang bansa sa pagdating ng mga bagyo.
Kaugnay naman sa mga nagdaang super typhoon sa Pilipinas, sinabi ng opisyal na noong 2020, nasa apat na super typhoon ang pumasok sa bansa.
Apat noong 2021, habang tatlo na ngayong 2022, ang Super Typhoon Henry, Josie, at Karding.