Cauayan City, Isabela- Nailigtas ng mga tauhan ng BRP Andres Bonifacio (PS-17) Philippine Navy ang anim (6) na mangingisda na dalawang araw nagpalutang-lutang matapos hampasin ng malakas na alon ang kanilang sinasakyang fishing vessel sa karagatang sakop ng Philippine Rise o katubigang malapit sa Dinapigue, Isabela noong Setyembre 16, 2021.
Nakilala ang mga mangingisdang sina Jayson Buheda, 36 anyos, boat captain ng FV MR KUPIDO; mga crewmate na sina Legazpi Villanueva, 71 anyos; Christopher Querez , 45 anyos; Mario Burod, 50 anyos; Armando Mise, 53-anyos; at Tony Reyes, 51 anyos; kapwa mga naninirahan sa probinsya ng Quezon.
Sa imbestigasyon, kasalukuyan noon na nagsasagawa ng territorial defense operations ang mga navy personnel sa eastern seaboard ng bansa nang makatanggap ang mga ito ng impormasyon na may lumubog na fishing vessel sa Philippine Rise lulan ang nasabing bilang ng mga mangingisda.
Tinatayang nasa 26.7 nautical miles southeast ng Benham Bank, Philippine Rise ang layo ng mga mangingisda ng nirespondehan ng naval forces.
Batay sa pakikipag-ugnayan ng mga tauhan ng Philippine Navy, inamin ng isa sa mga crew ng vessel na hinampas sila ng malakas na alon kung kaya’t bumaligtad ang bangka hanggang sa lumubog ang bahagi ng bangka at bigo na silang mapaandar ang mga ito.
Sa ngayon ay nasa maayos ng kalagayan ang mga mangingisda matapos ang nangyaring sitwasyon.