Patuloy na pinaghahanap ang 6 na indibidwal matapos mawala sa gitna ng sama ng panahon sa mga nakalipas na araw na epekto ng shearline sa Eastern Visayas.
Ito ang kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kung saan batay sa tala ng Office of Civil Defense Region 8, 5 sa mga nawawala ay sa Palapag, Northern Samar, at isa naman mula sa Dulag, Leyte.
Ang mga nawawala ay pawang mga mangingisda na pumalaot sa karagatan at nawala matapos makaranas ng malalakas na alon dulot ng sama ng panahon.
Ayon kay Josh Echano, head ng Norther Samar Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, pumalaot ang mga mangingisda sa kabila ng gale warning.
Hanggang kahapon aniya ay hindi pa makapaglunsad ng search and rescue operations dahil sa masungit na lagay ng karagatan.