6 na MedTech Graduates mula Isabela at Cagayan, Pasok sa Top 10 National Topnotchers

Cauayan City, Isabela- Nakasama sa listahan ng mga national topnotcher ang anim na Medical Technology graduates na mula sa Lalawigan ng Cagayan at Isabela.

Sa katatapos na Medical Technologist Licensure board exam ngayong Enero taong kasalukuyan, nasa Top 3 si Tiffany Jane Bautista Cabildo ng barangay Palutan, San Mariano, Isabela na nagtapos sa Medical College of Northern Philippines sa Peñablanca, Cagayan matapos makapagtala ng 90 porsiyento na passing rate.

Nasa ika-apat na pwesto naman si Bonifacio Ainnung Coloma na nakapagtala ng 89.90 porsiyento na nagtapos sa Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation.


Bagama’t siya ay nag-aral sa Quezon City ay tubong Pamplona, Cagayan naman ito.

Nasa ika-pitong pwesto naman si Jacque Andrei Vergara Ramos ng Saint Paul University-Tuguegarao na tubong Alcala, Cagayan at nakapagtala naman ng rating na 89.30 porsyento.

Tatlong graduates naman ng Cagayan State University Andrews campus ang nakasungkit ng ika-walo, ika-siyam at ika-sampung pwesto.

Si Clarisse Althea Deodato Adduru na tubong Tuguegarao City, Cagayan ay nasa ika-walong pwesto na nakapagtala ng rating na 89.00 porsyento at sina Tom Kairo Tallud Pacquing naman na taga-Tuguegarao City, Cagayan at Albright Dew Banan Baua na tubong Peñablanca, Cagayan ay nasa ika-siyam at ika-sampung pwesto na nakapagtala ng 88.90 ay 88.80 porsiyento na passing rate.

Samantala, second Best Performing School naman ang Cagayan State University Andrews campus matapos itong makapagtala ng 97.62 porsiyento na passing rate kung saan 123 sa 126 na kumuha ng exam ang pumasa.

Facebook Comments