6 na menor de edad na sangkot sa pananaksak sa isang katorse anyos sa Brgy. Doña Imelda, Quezon City, hawak na ng QCPD

Hawak na ng Quezon City Police District (QCPD) ang anim na menor de edad na nagtulong-tulong na saksakin ang isang katorse anyos sa Brgy. Doña Imelda, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-6:20 ng gabi ng Huwebes nang maganap ang insidente sa harapan ng isang supermarket sa Brgy. Doña Imelda, Quezon City.

Sa report na natanggap ni QCPD Direrctor PBGen. Nicolas D. Torre III, kalalabas lamang umano ng paaralan ng biktimang si “Xian”, hindi totoong pangalan, 14, kasama ang mga kaibigan at habang naglalakad ay inundayan ng sunud-sunod na saksak ng 15-anyos na suspek.


Naisugod pa sa Delos Santos Medical Center ang biktima pero binawian din ng buhay.

Agad naaresto ang binatilyo, maging ang lima pa niyang mga kasamahan na sangkot sa krimen na nasa edad 14 hanggang 16 na nakatakdang iturn-over sa Social Development Department ng lungsod.

Inihahanda na ang kasong murder laban sa mga menor de edad na suspek.

Facebook Comments