Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang anim na miyembro ng Anakpawis party-list dahil sa paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) checkpoint sa Brgy. Bigte, Norzagaray, Bulacan.
Kinilala ang mga naaresto na sina Karl Mae San Juan ng Quezon City; Marlon Lester Gueta ng Caloocan City; Robero Medel ng Quezon City; Eriberto Peña Jr. ng San Jose Del Monte City, Bulacan; Raymar Guaves ng Quezon City at Tobi Estrada ng Quezon City.
Ayon kay PNP Region 3 Regional Director Brigadier General Rhodel Sermonia, sakay ng green jitney na may plate number ZNH 869 ang mga suspek nang maharang ng mga pulis sa checkpoint.
Nagpumilit daw ang mga itong dumaan kahit walang maipakitang dokumento na sila ay exempted sa ipinatutupad na ECQ.
Nang inspeksyunin pa ng mga pulis ang jitney ng mga suspek nakita nila ang 50 food packs at mga anti-government materials kabilang na ang mga tarpaulin na may markings sa “SAGIP KANAYUNAN AND TULONG ANAKPAWIS”.
Sa pagiimbestiga, natukoy ng PNP na dalawa sa mga naaresto ay estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Nahaharap na ang mga suspek sa kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act kung saan maari silang maharap sa dalawang buwang pagkakakulong at pagbabayad ng multa na mula 10,000 hanggang isang milyong piso.
Itinurn over naman ng PNP sa Brgy. Bigte ang mga nakuhang relief packs sa mga naaresto.