6 na NPA, patay matapos makasagupa ang tropa ng militar sa Northern Samar

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na anim na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi matapos ang kanilang engkwentro kahapon ng umaga sa Brgy. Imelda, Las Navas, Northern Samar.

Ayon kay AFPs Joint Task Force (JTF) Storm Spokesperson Capt. Ryan Layug, tinutugis ng tropa ng militar ang mga nasa likod ng pag-atake sa Jipapad, Eastern Samar kung saan nagresulta ito sa pagkamatay ng dalawang sundalo at pagkasugat ng 10 taong gulang na silbilyan.

Sa naturang follow up operation, naka-engkwentro ng tropa ng pamahalaan ang mga rebelde kung saan anim na NPA ang nasawi at nakakumpiska ang militar ng 16 na mga matataas na kalibre ng baril.


Samantala, sinabi naman ni JTF Storm at 8th Infantry Division Commander Major General Camilo Ligayo na hindi sila makapapayag na manatili ang presensya ng mga rebelde sa mga komunidad.

Sa katunayan, paubos na ani Ligayo ang pwersa ng mga NPA sa Samar.

Sa datos ng NTF-ELCAC, mayroon na lamang limang natitirang CPP-NPA guerilla fronts sa bansa, apat dito ay nasa Region 8 partikular na sa Northern Samar Province.

Kaya patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa mga rebelde na sumuko at magbalik loob na sa pamahalaan para mapabilang sa mga benepisyaryo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.

Facebook Comments