Kasunod ng inaasahang pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa ngayong taon, tinukoy ng Palasyo ang mga lugar na prayoridad sa ikakasang vaccination program.
Kabilang dito ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Region XI (kasama ang Davao City), Region IV-A (CALABARZON), Cebu City at Davao City.
Paliwanag ni Roque, napili ang mga nabanggit na rehiyon sa bansa bilang top priorities dahil na rin sa high prevalence o dami ng COVID-19 cases.
Nananatili namang pasok sa priority groups ang frontline health workers, indigent senior citizens, iba pang senior citizens, mga mahihirap at uniformed personnel.
Una nang sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 50 to 70 million Filipinos bago matapos ang 2021.
Inaasahan namang nasa 148 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa 7 hanggang 8 vaccine makers ang na-secure na ng gobyerno.