Nagpasa ng anim na resolusyon ang Muntinlupa City Council kaugnay ng pagpapatayo ng Bureau of Corrections (BuCor) ng pader sa mga kalsada sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Kahapon nang magsagawa ng emergency special session ang mga konsehal ng Muntinlupa matapos na tayuan ng BuCor ng sementadong pader ang kalsada na nagsisilbing main access point sa city proper ng mga residente ng Katarungan Village 1 at 2 gayundin ng mga guro at estudyante papunta sa ilang eskwelahan sa lungsod.
Kabilang sa mga ipinasang resolusyon ng konseho ay ang mga sumusunod:
1. Pagkondena sa mga aksyon ng BuCor at mga opisyal nito na responsable sa biglaan at iligal na road closure
2. Resolusyong humihiling sa Senado na magsagawa ng agarang imbestigasyon hinggil pagpapatayo ng pader ng Bucor
3. Pagbibigay awtoridad sa alkalde ng lungsod sa pamamagitan ng city legal office na maghain ng civil, criminal at administrative cases laban sa mga opisyal ng BuCor dahil sa biglaan at iligal na pagpapasara ng ilang kalsada sa NBP Reservation at ang iligal na pagpapaalis at demolisyon ng mga informal settler na paglabag sa Konstitusyon, Urban Development and Housing Act of 1992 at sa city ordinance.
4. Resolusyong humihiling sa House Committee on Justice sa pamamagitan ni Congressman Ruffy Biazon na i-update ang city government sa status ng Committee Report nito sa pagpapasara ng Bucor sa kalsada sa bahagi ng Southville 3 at Type B Road sa NBP
5. Pagdedeklara kay BuCor Director Gerald Banta bilang “persona non grata” sa lungsod ng Muntinlupa
6. Resolusyong humihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang appointing authority ng BuCor director na agad i-recall o bawiin ang naging aksyon ng opisyal sa iligal na pagpapasara nito ng kalsada
Samantala, una nang ipinaliwanag ni Bantag sa kanyang sulat kay Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na ipinasara niya ang Insular Prison Road sa NBP dahil sa usaping pangseguridad.