Nakipagbuno ang isang 60-taon-gulang na surfer sa Great White shark na umatake sa kanya itong Pebrero 22.
Nagsu-surfing si Nick Minogue sa Pauanui Beach sa New Zealand nang kagatin ng pating ang kanyang braso at kapitan ang sinasakyan niyang surfboard, ayon sa The New Zealand Herald.
Matapos magulantang, naalala ng surfer na ayaw ng mga pating na pinupuntirya ang kanilang mga mata o ilong.
“So I actually shouted at it ‘f*ck off!’ and went to punch it in the eye and missed. Then I pulled my fist back and shouted ‘f*ck off!’ again and got it right smack bang in the eye,” kuwento ni Minogue.
Ayon pa sa surfer, halos singlaki ng tatlong mga daliri ang mata ng sinuntok niyang pating.
Bahagya pa raw napahigpit ang kagat ng hayop sa surfboard sa pagitan ng dalawang suntok bago tuluyang bumitaw at lumangoy palayo.
Kinumpirma naman ng marine scientists na Great White Shark ang nakabuno ni Minogue base sa marka ng kagat sa kanyang surfboard.
Saka lang din napagtanto ng surfer na nagtamo siya ng sugat sa braso noong nakaahon na siya sa tubig.
“There was blood dripping out the sleeve of my wetsuit. Thankfully it wasn’t too deep. Two teeth put holes in my wetsuit but only one punctured the skin,” aniya.
Agad namang ginamot ng lifeguard ang natamo niyang sugat.
Dalawang oras isinara ang beach sa publiko matapos ang insidente.