60 KATUTUBONG DUMAGAT SA COASTAL TOWN NG ISABELA, NAKIISA SA IPL SUMMIT

Cauayan City, Isabela- Hinubog ang kakayahang mamuno ng nasa animnapung (60) indibidwal ng Katutubong Dumagat sa Divilacan, Isabela matapos ang isinagawang tatlong araw na Indigenous People Leadership Summit (IPLS) na may temang “Katutubong Pilipino: Kultura ay ating Linangin at Pagyamanin” na isinagawa kamakailan.

Layong maipalumat sa mga katutubo ang tungkulin sa kanilang komunidad upang maprotektahan ang kanilang karapatan gayundin ang pagpapaunlad ng likas-yaman at ang pagpapahalaga sa kanilang kultura na bahagi ng kanilang kasaysayan.

Magkatuwang ang 95th Infantry SALAKNIB Battalion, 5th CMO Battalion, National Commission on Indigenous People (NCIP), LGU Divilacan at Philippine National Police-Divilacan na nanguna sa naturang aktibidad sa lugar.

Inihayag ni LGU Divilacan Mayor Venturito C. Bulan ang kanyang labis na pasasalamat sa katutubo sa pakikibahagi sa aktibidad at sa pamamagitan nito ay mas mapapabilis pa umano ang paghahatid ng serbisyo gayundin ang matiyak ang kapakanan ng bawat katutubo.

Ayon naman kay 1LT RODEL E BUNAO (INF) PA, ang Civil Military Operation Officer, layunin rin ng kasundaluhan at lokal na pamahalaan na mapabuti pa ang pamumuhay at mapaunlad ang komunidad para makamit ang tunay na kapayapaan.

Kaugnay nito, namahagi ng food packs ang Municipal Social Welfare and Development kasama ang Non-Government Organization na End Child Philippines.

Tiniyak naman ng kasundaluhan at iba pang ahensya ng gobyerno na handa silang iabot ang serbisyong nararapat tungo sa mapayapang komunidad.

Facebook Comments