Isinusulong sa Dagupan City ang mas pinaigting na kampanya laban sa karahasan at kamalayan sa mental health, sa ilalim ng programang Secure and Abuse Free Environment Network (SAFEnet), kung saan aabot sa 6,000 iskolar ang sasanayin bilang mga “SAFEnet Advocates.”
Layunin ng programa na gawing katuwang ang kabataan sa pagbabantay at agarang pagresponde sa mga kaso ng pang-aabuso laban sa kababaihan at kabataan, bullying, at mga insidente ng suicide.
Ayon sa Pamahalaang Panlungsod, ang mga kabataang kalahok ang magsisilbing frontliners sa pagpapalaganap ng kamalayan ukol sa mental health at kaligtasan sa komunidad.
Bahagi ng pagsasanay ang pagtuturo sa mga iskolar kung paano agad iulat ang mga kaso sa Women Center, City Health Office, at sa mga itinalagang hotline upang masiguro ang mabilis na aksyon at rescue operations. Mayroon ding nakalaang 24-oras na psychometrician na maaaring lapitan para sa agarang tulong.
Inaasahan na sa pamamagitan ng SAFEnet, mas mapapalakas ang partisipasyon ng kabataan sa pagbuo ng isang ligtas at mapagkalingang komunidad para sa lahat. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










