Handa ng lumahok ang higit 6,000 paaralan sa expanded phase ng face-to-face classes oras na luwagan na ang COVID-19 restrictions sa kani-kanilang lugar.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Usec. Nepomuceno Malaluan, maaari ng magsimula ng face-to-face classes ang 6,000 paaralan sa oras na isailalim ang mga ito sa Alert Level 2.
Aniya, mas dadami pa ang mga lalahok na paaralan kung makakapag-comply ang mga ito sa school safety assessment ng DepEd.
Bukod dito ay nagsimula na rin ng progressive expansion ng face-to-face classes ang mga lugar na nasa Alert Level 2 tulad ng National Capital Region, Batanes, Bulacan, Rizal, Cavite, Southern Leyte at Biliran.
Sa kabuuan ay naging maayos ang pagsisimula ng in-person classes sa mga naturang lugar at posibleng dumami pa ito kung ibababa sa Alert Level 2 ang iba pang lugar pagdating ng February 15.