Sumampa na sa 61 ang napaulat na nasawi sa Maguindanao dahil sa hagupit ng Bagyong Paeng.
Ayon kay Governor Bai Mariam Sangki-Mangudadatu, nagpapatuloy pa ang kanilang search and retrieval operation sa mga lugar na naapektuhan ng mga pagbaha at landslide.
Bukod kasi sa mga nasawi, 17 pa ang napaulat na nawawala habang 40 ang nasugatan.
Kabilang sa mga apektado ng landslide ay ang Barangay Kusiong sa Datu Odin Sinsuat; Barangay Romonggaob at Looy sa South Upi; at Barangay Maagabo Bayanga Sur Norte at Kabugaw Sapad aa Matanog.
Sa kabuuan, nasa 124,501 pamilya o katumbas ng 622,505 na indibidwal ang apektado ng bagyo sa Maguindanao.
Batay naman sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga, umabot na sa 110 ang bilang ng nasawi sa buong bansa dahil sa bagyo.
Samantala, sampung tulay rin ang nasira ng bagyo sa Maguindanao kabilang ang mga sumusunod:
Ledepan Bridge
Kurintem Bridge
Dbs Bridge
Sarakan Street
Matengan Steel Bridge
Darapan Steel Bridge
Lower Magulat Kiga
Upper Magutay Rempes
Labu-labu bridge
Nituan bridge
Dahil dito, hindi pa maaaring madaanan ng mabibigat na sasakyan ang Labu-labu Bridge kaya pahirapan ngayon ang relief efforts sa Cotabato.
Samantala, pinabibilisan ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsasagawa ng search and rescue operations sa mga lugar na tinamaan ng baha at landslide sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).