Nagbabala si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na maraming pamilya ang mauuwi sa matinding gutom kapag naisipang ipatupad ang pagtataas ng Alert Level System para sa COVID-19 sa National Capital Region o NCR.
Ang economist lawmaker ay mariing tumututol sa pagsasailalim sa NCR sa mahigpit na lockdown kahit pa mayroong pagtaas sa mga kaso ng COVID-19.
Mababatid na unang ibinabala ng kongresista ang posibilidad ng “nutrition crisis” dahil sa mataas na presyo ng pagkain.
Kapag nagpatupad muli ng bagong restrictions ay tiyak na malilimitahan na naman ang galaw ng mga tao na makakaapekto sa kanilang hanapbuhay.
Kapag hindi makalabas at hindi makapagtrabaho ang mga mamamayan ay tiyak na lulubha ang sitwasyon sa pagkain sa bansa kung saan tinatayang 640,000 households sa NCR ang makakaranas ng matinding kagutuman.
Paliwanag ng kongresista, sa puntong ito ay “non-sense” nang maituturing ang pagtataas ng Alert Level System na nakadepende sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Aniya pa, ang mga kaso ng COVID-19 ay mananatiling nariyan kaya kailangang matapatan ito ng kakayahang mamuhay sa gitna ng pagdami ng kaso ng sakit.