65-anyos lalaki, nagsumbong ng pekeng bomb threat para maka-date ang flight attendant

368

Naantala ang biyahe sa isang airline sa Belgrade, Serbia dahil sa pekeng bomb threat, Huwebes, Hulyo 18.

Salarin sa insidente ang 65-anyos na lalaki na umasang maka-date ang isang flight attendant ng airline.

Apektado sa walong oras na delay ang nasa 130 pasahero ng Lufthansa flight LH1411, papuntang Frankfurt, Germany, ayon sa ulat ng Sky News.

Nang lumabas na clear at walang bomba sa eroplano, hinanap ng pulisya ang lokasyon ng pinanggalingan ng tawag na nauwi sa pagkakaaresto ng hindi na pinangalanang lalaki.

Ayon sa lalaki na umamin naman sa krimen, may nakilala siyang dalawang flight attendant na tinanggihan ang alok niyang lumabas o mag-date.

Gustong-gusto niya aniya ang isa sa mga babae kaya nang hindi niya mahanap ang kinaroroonang hotel nito, ginawa niya ang pekeng bomb threat para hindi makaalis sa bansa ang flight attendant.

Nasa kustodiya na ang manliligaw na pananagutin sa idinulot niyang kaguluhan.




Facebook Comments