Mapupunta ang malaking bahagi ng pondo ng Department of Energy (DOE) ngayong taon para sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE at Capital Outlay.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, batay sa orihinal na proposed budget ng DOE sa 2021, aabot sana ng P2.6 billion ang hinihingi nilang pondo, pero aabot lamang sa P2.149 billion ang ibinigay sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM) para sa susunod na taon.
Magkagayunman, mas mataas pa rin ito sa P1.4 billion na budget ng ahensya ngayong 2020.
Malaking bahagi naman ng pondo ng DOE ay mapupunta sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) (46%) at Capital Outlay (21%) na nasa 67%.
Kabilang naman sa mga inalis na pondo ng DBM sa proposed budget ng DOE ang para sa Information Strategic Systems Plan (ISSP) na P67 million, mobile laboratory vans na P24 million, electric bus shuttle na P47 million at iba pa.
Samantala, sinabi ni ERC Chairperson Agnes Devanadera na P564 million lamang ang inaprubahang budget ceiling ng DBM para sa Energy Regulatory Commission (ERC) sa 2021, mababa ng 48% kumpara sa original proposed budget na P1.1 billion.
Umapela naman si Devanadera na ikunsidera ng Kongreso na dagdagan ang kanilang pondo sa susunod na taon.
Sinabi ni Devanadera na kung mapagbibigyan ang kanilang iba pang “wish list” ay kakayanin nilang makapagbigay ng P200 billion na halaga ng investment sa pamahalaan.