Target ng lokal na pamahalaan ng Taguig na isailalim sa inoculation o mabakunahan ng COVID-19 vaccine ang nasa 670,000 na residente.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, mula sa mahigit isang milyong residente sa lungsod ay nasa 670,000 lamang ang mababakunahan dahil ito lamang din ang pasok sa edad ng mga pwedeng turukan ng COVID-19 vaccine.
Binanggit din ng alkalde na handa at naisailalim na rin sa pagsasanay sa pagbabakuna ang nasa 716 na mga doctors, nurses at public health workers.
Dagdag pa dito ang 62 doctors at nurses sa siyudad na sinanay na rin sa cold storage management.
Mayroon ding 400 special teams na may limang miyembro bawat isa na siyang mag-aadminister ng COVID-19 vaccines sa 40 vaccination centers ng lungsod.
Nauna rito ay lumagda na rin sa kasunduan ang lungsod sa pagitan ng Orca Cold Chain Solutions Inc. para sa paggamit ng pasilidad sa Barangay Bagumbayan na pag-iimbakan ng bakuna.