Mistulang nasurpresa ang 68-anyos na gasoline boy nang bigyan siya ng bigas at ilang grocery items ng kilalang Syrian vlogger na si Basel Manadil noong Nob. 17.
Ito ay matapos mapag-alaman ni Manadil na ang lalaking kilala sa tawag na ‘Kuya Bro’ ay nagtatrabaho sa isang Shell station sa loob ng 47 taon.
Nang malaman ang kwento ng naturang lalaki, agad na nagtungo si Manadil sa gas station na pinagtatrabahuan nito para magpalagay ng hangin sa gulong ng kanyang sasakyan.
Laking gulat ni Kuya Bro dahil sa bawat gulong na hinahanginan niya ay may katumbas na 1,000 piso mula sa vlogger.
“Binigyan ko sya 1k tip kada gulong na nilagyan nya, laking gulat nya pero ang hindi nya alam may sorpresa ako skanya at sumama pa ako sakanyang simpleng tahanan,” aniya.
Bumisita pa si Manadil sa munting tahanan ng lalaki para bigyan siya ng bigas at ilang grocery items.
Sa facebook post ng vlogger, inilahad niya kung paano nakilala si Kuya Bro at kung paano niya binuo ang naturang plano.
“I saw this post from someone and when I read his story today, without hesitation I went there without any planning, and there he is! nandoon pa din sya sa initan at naglalagay ng hangin sa mga gulong,” aniya.
Kwento pa ni Manadil, nasurpresa pa siya nang malaman na si Kuya Bro ay matagal nang nagtatrabaho sa naturang gas station na noon pa man ay madalas niya nang puntahan kapag nagpapalagay siya ng gas.
“Nakakatuwa lang na sa ganitong paraan pa kame magkikita ni lolo bro,” saad niya.
Nagpasalamat naman ang naturang vlogger sa gas company na bukas pa din para kay Kuya Bro sa kabila ng kanyang edad.
“Nakakainspire si Lolo Bro dahil sa sipag sa buhay! LODI PETAMALU talaga and mga simpleng tao na mga to ang dapat hinahangaan at tinutularan. “KALABAW LANG ANG TUMATANDA” indeed, 🇵🇭💪” sabi ni Manadil.
Umani naman ng papuri online ang post ni Manadil na kasalukuyan ng mayroong 43k likes at 6.8k shares sa facebook.
RELATED STORIES:
PANOORIN: Syrian YouTuber, naghandog ng 1k kumot, tent para sa mga biktima ng lindol sa Mindanao.