Cauayan City, Isabela- Positibo sa COVID-19 ang animnapu’t walong (68) Persons Deprived of Liberty ng Nueva Vizcaya Provincial Jail.
Ayon kay Provincial Warden Carmelo B. Andrada, mahigpit ang seguridad na ipinapatupad sa Jamboree Campsite na ginawang pansamantalang isolation center upang maiwasan ang hawaan sa naturang sakit.
Pinabulaanan naman ng opisyal ang impormasyong may mga nakatakas na Persons Deprived of Liberty (PDL) sa BSP Jamboree Campsite, Brgy. Masoc, Bayombong kung saan kasalukuyang naka-admit ang dalawampu’t siyam na preso na nagpositibo sa COVID-19 kamakailan.
Ayon sa ulat, mula sa 145 PDL ay halos kalahating porsyento ng kabuuang populasyon ng mga nakakulong ang nagpositibo sa COVID-19.
Bukod dito, mayroong limang provincial jail guards ang nagpositibo rin at kasalukuyang nagpapagaling sa Lower Magat Eco-Tourism (LMET) Park sa bayan ng Diadi.
Sinabi rin ni Andrada na mild symptoms lamang ang nararanasan ng mga nasabing pasyente at tatapusin lamang nila ang kinakailangang 14-day quarantine period bago sila maaaring makihalubilo sa iba at bumalik sa Provincial Jail.
Nilinaw din niya na legal at dumaan sa tamang proseso ang pansamantalang paglipat ng mga PDL sa Jamboree Campsite.
Kasalukuyan rin ang pagpapagaling ni Andrada sa Dupax District Hospital (DDH) matapos magpositibo sa COVID-19.