7-anyos na batang lalaki, nasawi dahil sa rabies

File photo

Nasawi ang isang pitong taong gulang na batang lalaki sa lalawigan ng Quezon dahil sa rabies.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kinagat ng alagang tuta sa mukha ang biktimang si Kenneth Brios ng Barangay Casispalan, Tagkawayan.

Nangyari ang pangangagat ng alagang aso noong Mayo 27, 2019.


Kuwento ng pamilya ng kaawa-awang supling, agad nila itong dinala sa albularyo upang ipagamot at ipasipsip ang rabies sa katawan.

Siniguro din ng albularyo na gagaling agad ang biktima kaya hindi na ito pinatignan sa  doktor. Binalewala din ng kamag-anak ang pagkamatay ng tutang nakakagat noong Hunyo 5.

Nakapasok pa ito sa eskuwelahan ngayong buwan ngunit pagsapit ng Sabado at Linggo, sinabi ng batang nahihirapan na siyang huminga at biglang nangitim ang labi at mga kamay.

Dali-daling sinugod ang lalaking supling sa Tagkawayan District Hospital pero tuluyan na itong naimpeksyon ng rabies at binawian ng buhay.

Facebook Comments