Nasawi ang isang 7-anyos na batang Pinay sa Kuwait matapos daw malason sa kinain na fried chicken na inorder ng kaniyang pamilya online.
Sa isang ulat, sinabing pumanaw ang biktimang si Zara Louise Lano noong Marso 21, isang araw makalipas kainin ang biniling ulam.
Kuwento ng inang si Faye Lano, napansin niyang masyadong oily at mukhang ininit na lamang ang inorder na fried chicken habang kumakain sila ng hapunan.
Dahil dito, minabuti ng pamilya na itigil na lamang ang pagkain ng manok. Madaling araw ng Marso 20 nang isugod sila sa pagamutan dahil sa pagsama ng kani-kanilang pakiramdam.
Pinauwi naman daw sina Faye at Zara makaraan ang ilang oras, habang nakaratay sa ospital ang asawang si Dax at panganay nilang supling na si Sigfried.
Pero muling dinala sa pagamutan ang mag-ina, kinagabihan ng araw na ‘yon, bunsod ng pagkahilo at pagtatae. Na-confine si Faye sa intensive care unit subalit ang kaniyang unica hija, idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Batay sa death certificate ng musmos, “acute failure of blood circulation and respiration and septic shock” ang rason ng pagkamatay nito.
Sumailalim sa re-autopsy ang bangkay ni Zara nang maiuwi ito sa Pilipinas. Nailibing ang labi ng paslit sa San Jose del Monte, Bulacan.
Patuloy na sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng biktima dahil wala pa raw silang natatanggap na resulta ng awtopsiya na isinagawa ng Kuwaiti authorities.
Bukod sa pamunuan ng fast food chain, desidido rin sila na sampahan ng kaso ang pamunuan ng ospital na anila ay posibleng nagkamali sa pagsusuro ng kondisyon ng yumaong anak.
Hindi pa naglalabas ng reaksyon ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa insidente.