*Cauayan City, Isabela- Iminumungkahi ng pamahalaang lokal ng Tuguegarao City na isailalim ng pitong (7) araw sa *General Community Quarantine (GCQ) status ang syudad.
Magtatapos ngayong araw ng Miyerkules, Pebrero 3, ang labing limang (15) araw na pagsasailalim ng Lungsod ng Tuguegarao sa estado ng Enhanced Community Quarantine.
Sa pahayag ni Mayor Jefferson Soriano, kanilang imumungkahi kay Gobernador Manuel Mamba at sa Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) na sumailalim sa mas maluwag na status o General Community Quarantine (GCQ) ang Tuguegarao City sa loob ng pitong (7) araw mula Pebrero 4 hanggang Pebrero 10, 2021.
Kasunod ito ng obserbasyon na pababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa Lungsod.
Sa kasalukuyan ay nasa 287 active cases pa ang Lungsod ng Tuguegarao at inaasahan na makakarekober na sa sakit ang mahigit 140 na mga pasyente.
Kinakailangan lamang na iendorso ni Gov. Mamba ang kanilang rekomendasyon sa RIATF upang malaman ang tugon nito.