7 kadete at 5 military officer sa PMA sinampahan na ng mga kasong murder, paglabag sa Anti Hazing Act at Anti Torture Act dahil sa pagkamatay ng kadeteng si Darwin Dormitorio

Nasampahan ng mga kasong murder, paglabag sa Anti Hazing Act of 2018 at Anti Torture Act of 2009 ang pitong kadete at limang military officer sa Philippine Military Academy.

 

Ito ay kaugnay sa pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio na namatay sa hazing habang nagaaral sa PMA.

 

Sa impormasyon mula kay Baguio Chief of Police Police Col Allen Rae Co ang tatlong kaso ay isinampa kahapon ng pamilya Dormitorio sa pamamagitan ng kapatid ni Darwin na si Dexter Dormitorio sa Baguio City Prosecutors Office.


 

Ang tatlong kaso ay isinampa kina Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao, Cadet 2nd class Christian Zacarias, Cadet 3rd class Shalimar Imperial Jr., Cadet 3rd class Felix Lumbag Jr., Cadet 3rd class Julius Carlo Tadena, Cadet 3rd  class Rey David John Volante at Cadet 3rd class Vincent Manalo.

 

Ang mga ito uman ang nagplano ng pananakit kay Darwin dahilan ng pagkamatay nito.

 

Habang principal sa kasong anti torture act of 2009 sina Major Rex Bolo, Captain Jeffrey Batistiana, habang accesories sa kaso sina Lt col Cesar Candelaria, Captain Flor Apple Apostol At Major Maria Ofelia Beloy.

 

Ang mga military officers na ito ay kinonsinti umano ang ginawang hazing ng mga kadete kay Darwin.

 

Kinasuhan rin sila ng Anti Hazing Act of 2018 dahil sa hindi agad pag aksyon sa ginawang pagmamaltrato o hazing kay Dormitorio.

 

Nabigo rin ang mga itong ireport ang pangyayari sa law enforcement authorities.

 

Facebook Comments