7 KATAO, ARESTADO NANG MAAKTUHANG NAGSUSUGAL

Cauayan City, Isabela- Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling ang pitong katao matapos maaktuhang nagsusugal sa Brgy. Palutan, San Mariano, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa PNP San Mariano, isinampa na ngayong araw ang kaso ng pitong naaresto na kinilalang sina Rosemarie Gazmin; Elsa Hernandez; Evangeline Ramil; Marissa Bartolome; Estrelita Felipe; Josephine Bautista at Milagros Bautista, pawang nasa hustong gulang at residente ng Purok 3, Brgy. Palutan.

Agad na dinakip ang dalawang grupo ng mga suspek matapos silang maabutan ng kapulisan na naglalaro ng “Tong-its” sa ilalim ng puno ng Mangga.

Nakumpiska sa lugar ang dalawang set ng baraha; dalawang sako, at bet money o ‘taya’ na nagkakahalaga sa kabuuang P635.00 .

Nasa pangangalaga pa rin ng PNP San Mariano ang mga nahuling suspek at sila ay pansamantalang makakalaya kung makakapaglagak ng kanilang kaukulang piyansa.

Facebook Comments