Patay ang pitong myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) – Karialan Faction matapos makasagupa ang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Maguindanao del Sur.
Ayon kay Joint Task Force Central Commander Maj. Gen. Alex Rillera, nangyari ang engkwentro nang magtangka ang tropa na magsilbi ng search warrant laban kay Nasser Yussef Hussain, alyas Tutin Usop at Nurjihad Husain, alyas Datdat Usop sa Barangay Damawato, Datu Paglas kahapon ng madaling araw.
Ani Rillera, unang nagpaputok ang mga rebelde kung kaya’t gumanti rin ng putok ang pwersa ng pamahalaan.
Dito nasawi ang pitong BIFF members kasama ang dalawang suspek, habang sugatan naman ang isang pulis na agad isinugod sa ospital sa Tacurong City.
Narekober sa encounter site ang isang Uzi submachinegun, dalawang M16 rifles, tatlong Cal.45 pistols, at samu’t saring bala.
Kasunod nito, nangako ang Sandatahang Lakas na patuloy silang makikipagtulungan sa PNP upang masugpo ang terorismo at kriminalidad sa kanilang area of operations.