7 Pamilya, Apektado ng Landslide sa Kalinga

Cauayan City, Isabela- Pitong (7) pamilya ang apektado ng landslide matapos gumuho ang kanilang mga bahay dahil sa naranasang tuloy-tuloy na ulan sa Maling, Balbalan, Kalinga.

Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nananatili sa evacuation center ang nasa 45 indibidwal na apektado ng landslide.

Ayon pa sa ulat ng MDRRMO, isang bahay ang totally damaged kung saan natabunan ng makapal na putik ang gawang kusina habang naalis ang bahay sa mismong kinatitirikan nito.


Nagsagawa na ng Rapid Damage Assessment ang lokal na pamahalaan matapos ang nangyaring insidente.

Samantala, napag-alaman ng MDRRMO na walang drainage system ang lugar ng pinangyarihan ng insidente.

Dagdag pa dito, isang daluyan sana ng tubig ang nakitang nabarahan malapit sa mga sapa dahil sa nangyaring landslide.

Ayon kay Perlita Tumbali ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office, nakitaan rin ng pagkasira ang water system dahil sa pagguho kung saan noong panahon ng Bagyong Rosita ay isang bahay rin ang nakitang posibleng masira dahil sa malambot na lupa na kinatitirikan nito.

Agad namang nagsagawa ng clearing operation ang mga awtoridad habang maaari ng madaanan ang lahat ng major roads at mga tulay sa lugar at wala ring naiulat na kawalan ng suplay ng kuryente.

Maswerte namang walang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente habang nabigyan na ng relief packs ang mga pamilyang apektado.

Pinapayuhan naman ang komunidad na maging alerto sa anumang posibleng mangyari.

Facebook Comments