7 pulis na trigger-happy nitong Kapaskuhan, pinapasibak

325

Manila, Philippines – Pinapasibak ni Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Panfilo Ping Lacson sa liderato ng Philippine National Police o PNP ang pitong pulis na walang habas na nagpaputok ng kanilang baril nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon.

Giit ni Lacson, na dati ring hepe ng PNP, malinaw na walang pagpapahalaga sa buhay ang pitong pulis kaya at hindi na dapat bigyan ng pagkakataon ang mga ito para manatili pa sa serbisyo.

Ginawa ni Lacson ang pahayag makaraang sabihin ng pamunuan ng PNP na nahaharap na sa kasong administratibo ang pitong pulis.

Ang nabanggit na mga pulis ay kabilang ‪sa 23 indibiduwal na naasunto ng PNP dahil sa pagpapaputok ng baril mula noong Disyembre 16 hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon nitong Martes.

Sa kanyang Twitter post ay ipinadama ni Lacson ang kanyang galit sa nabanggit na mga pulis dahil posibleng ang ginawa ng mga ito ay magdulot ng matinding kapahamakan o kaya ay kamatayan sa mga maaring matamaan ng bala.

Facebook Comments