Navotas City – Sumuko na bandang alas-6:30 kagabi ang pitong pulis ng Navotas na suspek umano sa pangingikil sa isang sibilyan.
Kinilala ng PNP Counter Intelligence Task Force (CITF) sa tulong ng Northern Police District Director ang mga suspek na sina:
1. PO1 Emmanuel Benedict Gernato Alojacin,;
2. PO1 Mark Ryan Bernales Mones;
3. PO2 Jonnel Valencia Barocaboc;
4. PO3 Kenneth Baure Loria;
5. PO1 Christian Paul Ramos Bondoc;
6. PO1 Jack Rennert Nodalo Etcubañas, at
7. PO2 Jessrald Zapar Pacinio.
Ayon sa PNP-CITF, nakatanggap sila ng reklamo mula sa ina ng biktimang si Mark Echeparee na inaresto ng mga nagpakilalang pulis noong Biyernes ng umaga dahil umano sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Kasunod nito ay tinawagan sila ng mga suspek gamit ang cellphone ni Echeparee at nanghihingi ng P100-libong piso kapalit ng kanyang kalayaan.
Nagplanong magsagawa ng entrapment operation ang CITF pero hindi ito natuloy dahil nalaman ng mga suspek ang balak ng mga awtoridad.
Sa ngayon ay naibalik na nang ligtas sa kanyang pamilya ang biktima habang haharap naman sa patong-patong na kaso ang mga suspek na hawak na ng PNP-CITF.