7 Sekyu, Arestado sa pagdadala ng mga Iligal na baril!

Cauayan City, Isabela- Arestado sa pagdadala ng mga iligal na baril ang pitong gwardiya matapos walang maipakitang mga kaukulang dokumento sa mga otoridad.

Kinilala ang mga naaresto na sina Juanito Estigoy, Manuelito Santos, Samuel Bayangos, Renato Flores, Marlon Sarmiento, Freddie Galang at Lougie Mabacquiao, pawang nasa tamang edad at security guards ng Sidekick Force Investigation and Security Services.

Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan, isang caretaker ang nagbigay ng impormasyon sa barangay officials na mayroon itong nakitang baril sa tinutuluyang compound ng mga suspek na agad namang ipinaabot sa PNP Cauayan.


Sa pagresponde ng mga pulis sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela ay hinanapan ng mga kaukulang dokumento ang pitong gwardiya subalit walang maipakitang anumang papeles na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.

Nakuha mula sa mga suspek ang isang Cal.38 na baril, dalawang 9mm na baril at labing isang bala ng 9mm.

Dinala na sa PNP Cauayan ang mga suspek maging ang mga nakumpiskang bala at baril para sa kaukulang dokumentasyon at inihahanda na ng PNP ang kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa pitong gwardiya.

Facebook Comments