SEATTLE, Washington – Sa kabila ng kaswertehang natanggap ng isang 70-anyos na lalaking nakarekober at gumaling sa coronavirus ay siya ring katakot-takot na balita mula sa pinanggalingang ospital sa US.
Sa ulat ng the Seattle Times, umabot sa 181-page ang bill sa ospital ni Michael Flor matapos ang mahigit dalawang buwang pananatili rito.
May kabuuan lang naman ng $1,122,501.04 ang kailangang bayaran ni Flor para tuluyang makalabas at makauwi sa kanyang bahay.
Kwento nito, umaabot sa halos $10,000 o mahigit P500,000 ang nagagastos niya kada araw para sa kanyang ICU room.
$2,835 o mahigit P100,000 naman kada araw ang nagagasta niya para sa ventilator na aniya’y 29 araw siyang gumamit.
Halos 1/4 naman ng kabuuang bill ni Flor ay para sa lahat ng gamot na kakailanganin niya.
Samantala, biro naman ni Flor, milyong halaga pala ang kailangan para maisalba ang kanyang buhay at sulit naman daw ang halagang ito dahil nakaligtas siya sa kamatayang dala ng COVID-19.
Kaugnay nito, sa tulong ng kanyang insurance ay hindi na niya kinailangang bayaran ang naturang halaga.