Nangangamba ang unyon sa loob ng PLDT Inc., na posibleng mauwi sa tanggalan ng abot sa 70 na rank and file employees ang desisyon ng kompanya na ipasara ang 52 business offices nito sa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasunod ito ng inilabas na pahayag ng pamunuan ng PLDT Inc., kaugnay sa naturang business decision.
Base sa ipinadalang sulat ng pamunuan ng PLDT sa mga manggagawa, nakasaad na hanggang sa June 15 na lang ang itatagal ng kanilang trabaho.
Habang 58 na supervisors ang binigyan ng relocation assignment sa ilang natitirang business offices na ang karamihan ay nasa probinsya.
Pumalag naman dito ang unyon ng mga manggagawa ng PLDT Inc.
Reklamo ng mga ito, sobrang layo nito sa kanilang mga tirahan at dating pinapasukan.
Dagdag pa rito, higit na tatamaan ng nasabing pasiya ang mga kontrakwal na manggagawa tulad ng mga cashier, janitors at security guard ng business offices na maliit na lamang ang kinikita ay mawawalan pa ng hanapbuhay.
Iginiit din ng unyon hindi rin umano totoo na magsasara ang mga business office.
sa katunayan, nag-upgrade pa nga mula sa manual na pagproseso ng mga serbisyo ng PLDT Inc., patungo sa “high-tech” na One Digital Store.
Ang totoong dahilan umano ng pagpapasara ng business offices ay ang pag-alis ng trabaho mula sa mga dating ginagawa ng mga taga-PLDT at ito’y ililipat sa mga manggagawa ng Smart na hindi unyonisado.