70% ng mga pampublikong paaralan sa bansa, handa na sa face-to-face classes

Handang-handa na ang Department of Education (DepEd) para sa muling pagbabalik ng face-to-face classes ngayong School Year 2022-2023.

Sa panayam ng RMN Manila kay DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma, sinabi nito na nasa 70% na ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang handa na para sa in-person classes sa darating na pasukan.

Ayon kay Garma, halos lahat na ng public schools ay nakatugon na sa mga inilatag na patakaran ng Department of Health (DOH) kung saan 90% na ng mga guro ang bakunado kontra COVID-19.


Kasabay nito, nilinaw ni Garma na gagamitin pa rin ng ang blended learning sa susunod na school year na makakatulong upang matugunan ang problema sa kakulangan ng mga classroom.

Una nang iginiit ng DepEd na bagama’t mahalaga ang in-person classes para sa social development ng mga mag-aaral ay importante rin ang ambag ng blended learning sa teknolohiya, komunikasyon, at sa digitalization ng edukasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Samantala, batay sa tala ng DepEd, nasa 18% pa lang ng mga private school sa bansa ang nagpahayag ng kahandaan sa face-to-face classes.

Sa ngayon ay hindi pa pinal ang petsang August 22, 2022 para sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.

Facebook Comments