Inihayag ni City Mayor Bernard Dy sa kanyang isinagawang public address noong Pebrero 3, 2022, base sa alituntunin ng Department of Health (DOH), kailangan pang mabakunahan ang nasa 139,546 na katao sa lungsod ng Cauayan upang tuluyan nang maabot ang target na bilang ng mga fully vaccinated.
Sa ngayon, ang kasalukuyang bilang ng fully vaccinated o nabakunahan ng 2nd dose sa Cauayan City ay nasa 89,238 o 91% na habang nasa 99,395 katao naman ang naturukan na ng 1st dose.
Ayon pa sa alkalde, nagpapatuloy pa rin ang vaccination rollout sa lungsod para sa second dose ng mga nabigyan na ng first dose. Gayundin aniya ang mga nasa edad dose (12) hanggang labing-pito (17) at labing-walo (18) pataas ay patuloy ang pagbabakuna sa mga nakatalagang vaccination sites.
Bukas ang mga Vaccination sites sa lungsod para sa mga taong nais magpabakuna tulad ng SM City Cauayan, Villa Luna Community Center, San Fermin Community Center, at sa Nungnungan 2 para naman sa booster shots.
Samantala, pinoproseso at inaayos pa ang mga masterlist ng mga bata na nasa limang (5) taong gulang para naman sa kanilang pagbabakuna. Muling hinihikayat ni Mayor Dy ang mga residente sa Lungsod na hindi pa nabakunahan na magpabakuna na upang makamit ang herd immunity sa lungsod at para na rin sa kaligtasan ng lahat.