70 SUSPEK, 31 NPA SUMUKO SA 1-DAY SACLEO SA CAGAYAN

Cauayan City, Isabela-Umabot sa pitumpu (70) na suspek at tatlumpu’t isang (31) miyembro ng Communist Terrorist Groups ang sumuko sa mga awtoridad sa Cagayan sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) noong Sabado, Pebrero 12, 2022.

Batay sa datos ng Provincial Operation Management Unit (POMU), nasa 30 Wanted Persons ang naaresto sa bisa ng warrant of arrest habang anim sa mga ito ay Top Most Wanted Person sa municipal level.

Kabilang sa mga nahuli ang anim (6) na suspek na lumabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan nakumpiska sa mga ito ang 44.4 gramo ng Marijuana at 1.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit kumulang na P18,806 pesos base sa Standard Drug Price (SDP).

Nasa tatlo naman ang may paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kung saan nakumpiska sa operasyon ang 1-unit ng improvised/homemade cal.45 (paltik); 1-unit ng cal .38; 1-unit ng cal .22; 20 piraso ng ibat-ibang kalibre ng bala; at 1 piraso ng hand grenade.

Bukod pa dito, dalawa naman ang nahuling suspek matapos makumpiskahan ng 604 board feet ng kahoy na nagkakahalaga ng 21,140 pesos sa bayan ng Alcala, habang di pa matukoy ang halaga ng mga nakumpiskang mga kontrabandong kahoy sa bayan ng Gattaran at Sta. Ana, Cagayan.

Labing pito (17) ang nahuli ng awtoridad laban sa illegal na pagsusugal, karamihan sa isinagawang operasyon ay dahil sa mga impormasyon na ipinagbigay alam ng komunidad kung saan tinatayang nagkakahalaga ng 14,222 pesos ang nakumpiska sa mga nahuling suspek.

Samantala, patuloy naman ang pagsasagawa ng Police Community Related activities tulad ng PNP Community Outreach Program, mga pabahay, BIBAR Series at mga iba pang nakakatulong sa komunidad, nasa 31 na miyembro ng Communist Terrorist Group o ilan pa sa mga ito ay dating miyembro ng New People’s Army ang kusang sumuko at nagbalik loob sa gobyerno.

Hinimok ni Provincial Director PCol. Renell Sabaldica ang publiko na patuloy na suportahan ang mga programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at huwag mag-alinlangang ipaalam sa kapulisan kung may mga nakikitang di kanais-nais para maaksyunan agad ito para makamit ang tahimik at mapayapang pamumuhay dito sa probinsya ng Cagayan.

Facebook Comments