700,000 pamilya, ibabalik sa listahan ng 4Ps

Plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibalik sa listahan ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4Ps ang 700,000 pamilya.

Ang bilang na ito ay kabilang sa 1.3 million na pamilyang napasama sa “Listahanan 3” at inalis ng DSWD sa listahan ng 4Ps dahil sa hindi na maituturing na mahirap.

Sa budget hearing ng DSWD sa Senado, iginiit ni DSWD Sec. Erwin Tulfo na hindi valid ang sinasabi sa “Listahanan 3” na inilabas noong 2019 dahil dalawang taon na nagkapandemya.


Sa 1.3 million na pamilya, mahigit 500,000 dito ang maituturing ng “non-poor” habang ang 700,000 ay ibabalik sa 4Ps.

Ayon pa kay Tulfo, wala naman sigurong yumaman sa gitna ng pandemya kaya minabuting ibalik sa listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps ang mga ito.

Pero nais naman ni Senator Imee Marcos na suriing mabuti ng DSWD ang gagawin dahil ang ilan sa beneficiaries ay wala ng anak na nag-aaral matapos ang dalawang taon ng pandemya kaya lumalabas hindi na compliant sa qualifications ng 4Ps.

Facebook Comments