Magsasaka Party-list Rep. Robert Nazal, nanumpa bilang bagong miyembro ng Kamara

Nanumpa na sa harap ni Quezon City Regional Trial Court Branch 220 Judge Jose Paneda si Magsasaka Party-List Representative Robert Gerard Nazal Jr., bilang bagong miyembro ng Mababang Kapulungan.

Ang panunumpa ni Nazal ay kasabay ng pagpapalabas ng Commission on Elections o COMELEC ng Certificate of Proclamation na nagdedeklara sa kaniya bilang kwalipikadong nominee ng Magsasaka Party-list.

Base sa record ng COMELEC, orihinal na ikatlong nominado ng Magsasaka Party-list si Nazal pero nag-resign at nag-withdrew ang una at ikalawang nominado ng grupo.


Dahil diyan ay si Nazal na ang nag-take-over bilang first nominee ng Magsasaka Party-list na inaprubahan ng COMELEC en banc base sa resolusyon na inilabas nito noong Sept. 9, 2022.

Matapos manumpa ay nag-courtesy call si Nazal kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Batasang Pambansa gayundin kina House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.

Facebook Comments