Aabot sa 721 pulis ang binabantayan ngayon ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG).
Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, ang mga pulis na ito ay nasasangkot sa iba’t ibang kaso katulad ng iligal na droga, krimen at katiwalian.
Sa bilang aniyang ito halos apatnaraan dito ay aktibo pero isinasailalim sa validation ang kanilang kinasasangkutang kaso.
Samantala, mahigit 400 pulis na rin ang natanggal na sa serbisyo matapos masangkot sa iba’t ibang anomalya tulad ng droga at iba pa.
Pinakahuli sa mga ito si patrolman Leo Valdez na nahuli sa isang buy-bust operation sa Muntinlupa City kamakalawa matapos mahuli na nagbebenta ng iligal na droga at nakuhanan pang bumabatak ng shabu.
Siniguro ni Albayalde na hindi sila titigil hanggang sa tuluyang malinis ang kanilang hanay mula sa mga tiwaling pulis.