Cauayan City, Isabela- Muling nakapagtala ng casualty ang Lalawigan ng Nueva Vizcaya matapos bawian ng buhay ang isang 73 taong gulang na lola na positibo sa COVID-19.
Kinumpirma ito ni Dr. Edwin Galapon, Provincial Health Officer na pang-pito sa naitalang nasawi sa Lalawigan ang nasabing lola na mula sa Quirino, Bagabag.
Hindi pa matukoy ngayon kung paano o saan siya nahawa dahil wala naman itong naging kasaysayan ng paglalakbay.
Nabatid na noong September 3, 2020 ay una nang nakaranas ng sintomas ng COVID-19 ang pasyente gaya ng lagnat at ubo.
Dinala at na-admit sa R2TMC ang pasyente subalit namatay na ito pasado alas 7:00 ng umaga noong ika-4 ng Setyembre.
Dumating lamang kahapon, September 6, 2020 ang resulta ng kanyang swab test kung saan nagpositibo ito sa COVID-19.
Bukod dito, sampung (10) panibagong kaso nanaman ng COVID-19 ang naitala sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya na kinumpirma ngayong araw ng DOH 2.