Umabot sa mahigit 74,000 na examinees ang kumuha ng face to face Civil Service examinations.
Patunay ito ng pagbabalik na sa normal ng lahat ng face to face na serbisyo ng Civil Service Commission (CSC).
Ayon kay CSC Chairman Karlo Nograles, matagumpay ang naging pagbibigay ng Fire Officer Examination (FOE); Penology Officer Examination (POE); at ang tinatawag na Basic Competency on Local Treasury Examination (BCLTE).
Sa nabanggit na civil service examinations, nabatid ni Nograles na 59,092 indibidwal ang kumuha ng Fire Officer Examination (FOE); 9,711 naman ang sa Penology Officer Examination (POE); habang 5,963 ang para sa Basic Competency on Local Treasury Examination (BCLTE).
Umabot sa 74,766 ang kabuuang bilang ng examinees na sumalang sa tatlong magkakaibang civil service examination exam noong October 23.
Ani Nograles, tuloy-tuloy na ang kanilang pagsasakatuparan ng mga programang makatutulong sa pagbuo ng isang tapat, mahusay, at epektibong pamahalaan.
Pinangunahan mismo ni Nograles, ang iba pang matataas na opisyal ng CSC ang pag-inspeksiyon sa iba’t-ibang examination centers.
Si Commissioner Ryan Alvin Acosta ay tumutok sa Pampanga High School sa San Fernando, Pampanga.
Sina Assistant Commissioner Ariel Ronquillo at Acting Executive Director IV Victoria Esber ay nag-ikot sa Don A. Roces Sr. Science and Technology High School, Manuel Roxas High School, at Aurora A. Quezon Elementary School na pawang sa Quezon City rin.