79 trainees ng PNP Regional Training Center 2, Positibo sa COVID-19

Cauayan City, Isabela- Naitala ang walumput tatlong (83) positibong kaso ng COVID-19 sa Barangay Minante 1 kung saan 79 ay pawang mga trainees ng PNP Regional Training Center 2 (RTC2).

Ito ang lumabas sa datos ng City Health Office, bagay na kinumpirma ni City Mayor Bernard Dy sa kaniyang public address ngayong araw, Agosto 11.

Ayon sa alkalde, patuloy ang pagtaas ng aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod dahilan upang manatili ang umiiral na General Community Quarantine hanggang August 31, 2021.


Batay sa datos ng CHO as of August 10 ay nasa 172 ang active cases kung saan pinakamarami ang naitala sa Barangay Minante 1.

Habang ang 16 naman sa mga tinamaan ng virus ay nasa pangangalaga ng mga pampubliko at pribadong ospital sa lungsod; 5 ang nananatili sa balay silangan, 17 ang nasa ISU quarantine facilities at 70 ang nakasailalim sa mahigpit na home quarantine.

Lumabas naman sa datos ng CHO na pawang edad 21-30 ang karamihan sa nagpopositibo sa sakit.

Bukod dito, binigyang linaw ni Mayor Dy na walang kaso ng Delta variant sa lungsod kaya’t walang dapat ipangamba habang hinimok nito ang publiko na sundin pa rin ang minimum health standard para maiwasan ang lalo pang paglobo sa sakit.

Sa kasalukuyan, 29 na barangay sa lungsod ang may naitalang aktibong kaso ng COVID-19.

Facebook Comments