Bumilis pa ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa nitong Enero 2023.
Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 8.7% ang headline inflation rate sa bansa noong nakaraang buwan.
Mas mataas ito sa 8.1% na naitala noong December 2022 at sa 3.0% noong Enero 2022.
Sabi ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, pangunahing sanhi ng mataas na inflation rate noong nakaraang buwan ang mabilis na pagtaas ng presyo ng housing, water, electricity, gas and other fuels; food and non-alcoholic beverages lalo na ang sibuyas na pumalo ang inflation rate sa 132.2%; pangatlo ang restaurants and accommodation services kasama rin ang mga karinderya.
Sumipa naman sa 8.6% ang inflation rate sa National Capital Region (NCR) na mas mataas sa 7.6% na naitala noong December 2022.
Habang sa labas ng Metro Manila, pinakamataas ang inflation rate sa Region 3 o Central Luzon na nasa 9.8%.
Samantala, ang inflation rate nitong Enero ay ang pinakamabilis na naitala simula November 2008 na may 9.1%.
Lampas din ito sa 7.5% hanggang 8.3% na forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).